Pilipinas, nananatiling nasa moderate risk; 4 na rehiyon sa bansa, nasa high risk pa rin – DOH

by Radyo La Verdad | February 9, 2022 (Wednesday) | 7404

METRO MANILA – Bumaba ng 52% ang COVID-19 cases sa Pilipinas noong nakalipas na lingo. Hindi na umaabot sa 10,000 kaso ang naitatala kada araw sa bansa.

Kahapon ay nakapagtala ang DOH ng 3,574 COVID-19 cases. 14, 644 naman ang mga gumaling sa sakit at 83 na nasawi.

Samantala, 15% naman ang ibinaba ng total bed utilization rate sa buong bansa at nasa low risk level na ito.Kaya naman ang Pilipinas nasa moderate risk level sa ngayon.

“Bagama’t bumababa na ang ating mga kaso nananatili pa ring nasa moderate risk level ang ating bansa na kasalukyang mayroong 22% na positivity rate ang National Capital Region po sa ngyaon bagama’t nasa low risk utilization of our hospital beds pero ang kanilang case risk classification is still at moderate risk” ani DOH Spokesperson, Usec Maria Rosario Vergeire.

Nguni’t may 4 pang rehiyon sa bansa na mataas pa rin ang COVID-19 cases. Ito ang rehyion ng Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region at Soccsksargen batay sa monitoring ng DOH.

Sa ngayon, hinid pa masabi ng doh kung malapit na nga bang matapos ang Omicron surge sa bansa dahil hindi pa lahat ng rehiyon pababa na ang kaso.

Dagdag pa ng kagawaran, bukod sa mga metrics na pinagbabatayan national government para maibaba sa alert level 1 ang bansa lalo ang NCR.

Ikokonsidera rin nila ang target sa pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga batang 5-11 taong gulang.

“Kapag nag de- escalate po tayo to alert level 1 dadagdagan po natin ng mga puntos to consider so that we can be able to ensure at magkaroon tayo ng kumpiyansa na kahit tanggalan natin ng restrictions ang isang lugar, safe po tayo lahat kasama po ang vaccination coverage at iyong safety seal kailangan pa rin po pababain muna sa low-risk case classification ang NCR, kailangan natin masiguro rin muna iton pong targets for vaccination and safety seal seal”. ani DOH Spokesperson, Usec Maria Rosario Vergeire.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: , , ,