Tatlumpu’t dalawang mamamahayag ang kasamang nasawi sa nangyaring Maguindanao massacre noong November 23, 2009. Ang insidente ay itinuturing na single deadliest attack laban sa mga mamamahayag.
Hanggang ngayon, naniniwala pa rin ang National Union of Journalists in the Philippines na nananatiling hindi pa ring ligtas ang Pilipinas para sa mga mamamahayag.
Ayon kay NUJP Director Nonoy Espina, sa loob ng mahigit isang taon ng administrasyong Duterte, limang mamamahayag ang napapatay. Giit ni Espina, tungkulin ng pamahalaan na pigilin ang pagpatay sa mga tagapaghatid ng balita.
Pinabulaanan naman ito ni Undersecretary Joel Egco, ang Executive Director ng Presidential Task Force on Violence Against Media Workers.
Aniya, batay sa Global Impunity Index report ng Committee to Protect Journalists, bumaba na sa ranking ng Pilipinas mula sa pang apat ngayon ay nasa pang limang pwesto na ang bansa ngayong taon.
Dagdag pa ni Egco, patuloy na inaaksyunan ng pamahalaan ang mga kaso ng pamamaslang sa mga media worker ngunit hindi magiging madali ang pagpapababa ng ranggo ng Pilipinas sa index ng CPJ dahil sampung taon ang saklaw ng pagsusuri nito.
( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )
Tags: mamamahayag, NUJP, Pilipinas