Pilipinas, muling naghigpit ng travel restrictions dahil sa COVID-19 Variant Omicron

by Erika Endraca | November 29, 2021 (Monday) | 4109

METRO MANILA –

Nagpatupad ng mas mahigpit na border control measures ang pamahalaan ng Pilipinas upang maiwasang makapasok sa bansa ang pinangangambahang variant of concern na Omicron,

Sinuspinde ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang inbound international flights at bawal makapasok sa pilipinas ang mga biyaherong galing sa mga bansa kung saan may mga kaso na ng bagong variant.

Bukod sa south Africa, Botswana, Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini, at Mozambique…

Idinagdag din sa red list ang Austria, Czech Republic, Hungary, The Netherlands, Switzerland, Belgium, at Italy.

Hindi naman kabilang dito ang mga Pilipinong kabilang sa repatriation efforts ng pamahalaan at pribadong sektor subalit kailangang sumailalim sila sa entry, testing, at quarantine protocols para sa red list countries, jurisdictions at territories.

Sinuspindi rin ng IATF ang pagpasok sa bansa ng fully vaccinated foreigners’ ng non-visa required countries na nasa ilalim ng green list.

Ibig sabihin, liban sa red countries at jurisdictions, susundin ang testing at quarantine protocols para sa yellow list sa lahat ng inbound international traverls kabilang na ang mga manggagaling sa hong kong kung saan may natukoy ding cases ng omicron.

Sa ilalim ng protocols, may facility-based quarantine at swabbing sa third day para sa fully vaccinated na may negative RT PCR test, at self-monitoring naman sa 14th day mula arrival.

Sa walang negative RT-PCR TEST, sa ika-5 araw naman ang swabbing.

Sa mga di naman bakunado, facility-based quarantine din at swabbing sa ika-7 araw.

Samantala, hinikayat din ang mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang local COVID-19 response at maging alerto sa pagtaas ng mga kaso.

Pairalin din ang active case finding, contact tracing at isolation ng cases.

Inaatasan din ang Bureau of Quarantine na makipag-ugnayan sa mga lgu upang tukuyin kung mayroon mang pasahero na nagmula sa mga bansang nasa red list sa loob ng nakalipas na labing apat na araw at isailalim sila sa mahigpit na home quarantine at RT-PCR test kung may mga sintomas.

Pinatitiyak naman ng IATF sa doh na handa ang health system capacity ng bansa para sa posibilidad ng pagtaas ng COVID-19 cases.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: