Pilipinas, kaisa sa mga nananawagan ng mapayapang pagresolba sa Ukraine-Russia conflict

by Radyo La Verdad | March 3, 2022 (Thursday) | 1996

Isang linggo pagkatapos lusubin ng Russia ang Ukraine, naglabas ng opisyal na pahayag kaugnay ng gulo ang Malakanyang.

Nananawagan ang Duterte administration sa lahat ng partidong may kaugnayan sa nangyayaring karahasan sa Ukraine para sa agaran at mapayapang pagresolba sa krisis.

Kasunod ito ng ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Martes ng gabi (March 1) na special meeting sa mga matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at ilan sa mga miyembro ng kaniyang gabinete.

“We appeal for an immediate end to the unnecessary loss of life, and call on the states involved to forge an accord that can help prevent a conflagration that could engulf a world still struggling to recover from the Covid-19 pandemic,” pahayag ni Sec. Karlo Nograles, Acting Presidential Spokesperson, Cabinet Secretary.

Iginiit ng gobyerno ang posisyon ng Pilipinas – walang pakinabang sa giyera.

“We reiterate the position of the Philippines that war benefits no one, and that it exacts a tragic, bloody toll on the lives of innocent men, women, and children in the areas of conflict.,” dagdag ni Sec. Nograles.

Kasabay nito, idinetalye ng pamahalaan ang mga gagawing hakbang at contingency measures sakaling lumala pa ang tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine, kabilang na ang pagpapatatag ng ekonomiya, pagpapanatili ng food prices, pagkakaloob ng social protection at paghahanap ng diplomatic channels para maresolba ang conflict.

Gagawin ito sa pamamagitan ng pagpapaigting at pagpapalago ng produksyon ng pagkain sa pamamagitan ng plant, plant, plant, pagpapataas ng rice buffer stock ng hindi bababa sa 30 araw, pamamahagi ng pinansyal na tulong sa mga magsasaka ng palay, at iba pa.

Aprubado rin ng Pangulo ang pamamahagi ng fuel discount vouchers sa mga magsasaka at mangingisda bilang tugon sa tumataas na presyo ng langis.

Inaprubahan naman ng Pangulo ang rekomendasyon ng Department of Energy na ipatupad na ang 2.5 billion pesos na pantawid pasada at 500 million pesos fuel discount program para sa mga magsasaka at mangingisda.

Kabilang din sa hakbang na nais gawin ng pamahalaan ang pagtatayo ng strategic petroleum reserve infrastructure para sa medium-term measures. Gayundin ang pagsusulong sa renewable energy adoption.

Rosalie Coz | UNTV News

Tags: