Pilipinas, hinahanapan ng paliwanag ang Kuwait ukol sa patuloy na OFW harassment

by Radyo La Verdad | April 27, 2018 (Friday) | 2711

Dismayado si Department of Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano dahil sa hindi pagtupad ng bansang Kuwait sa kanilang kasunduan.

Ayon sa kalihim, patuloy silang nakatatanggap ng ulat ng mga pang-aabuso sa mga overseas Filipino workers (OFW) sa naturang bansa.

Sa isang press briefing sa Singapore, sinabi ni Cayetano na gusto nilang papagpaliwanagin ang Kuwait dahil sa mga naturang ulat.

Sa kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa, nangako ang Kuwait na poprotektahan ang mga OFW na napaulat na nakakaranas ng pang-aapi.

Base sa datos ng DFA, mayroong mahigit dalawang daang libong OFW sa Kuwait ang nasa mahigit dalawang daan ang kailangang i-rescue ng Philippine Embassy.

Noong Myerkules, idineklara ng Kuwaiti government si Ambassador Renato Villa na persona non grata at inatasan na lisanin ang Kuwait sa loob ng isang linggo.

Kaugnay ito nang isinagawang rescue operation na isinagawa ng Philippine Embassy sa mga distressed domestic helpers.

Pinapatawag rin ng Kuwaiti government ang lahat ng opisyal na sangkot sa rescue operation para maimbestigahan.

Ngunit ayon kay Cayetano, determinado ang Pilipinas na ituloy ang pagsagip sa mga distressed OFW sa Kuwait, ngunit dadaanin pa rin ng Pilipinas ang lahat sa diplomasya.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,