METRO MANILA – Nanindigan ang Duterte administration na ngayong 2021, makakamit na ng Pilipinas ang containment ng coronavirus at population protection laban sa nakamamatay na sakit.
Ito ang giit ng Malacanang matapos lumabas ang ulat ng United Kingdom-based Think Thank Pantheon Macroeconomics na dahil sa bagal ng vaccination pace sa Pilipinas, tinatayang 2023 pa nito makakamit ang herd immunity.
“We will prove them wrong, and I think ang basehan kasi ng think thank na yan must have been our phase of vaccination early on na talagang Sinovac lang ang mayroon tayo at kakauting AstraZeneca pero dumating nga po ang ating mga bakuna, at mas marami pang darating” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
Ayon kay Presidential Spokesperson Roque, nakapagtala na ang bansa ng 350,000 plus record high vaccination rate ngayong buwan ng Hunyo at hindi malayong mahigitan pa ang bilang na ito pag dumating na ang bulto ng mga bakuna sa bansa.
Samantala, tinatayang 90% nakasalalay naman sa vaccination program ng pamahalaan ang muling pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Batay sa Union Bank Chief Economist na si Mr. Carlo Asuncion, sa kanilang pagtaya, sa katapusan pa ng 2022 tuluyang makababangon ang ekonomiya ng Pilipinas kung maaabot ang target vaccination rate ngayong taon.
“Meaning yung gdp level, babalik sa previous levels ng 2019, yun yung estimate namin na pagbabalik nun so, that is hinge also again on capacity ng rollout ng vaccine saka yung yan containment, yung risk management ng gobyerno ng pandemiya.” ani Union Bank Chief Economist, Carlo Asuncion.
Sa kabuuan, 158 million doses ng bakuna ang inaasahang dumating sa bansa ngayong taon.
Subalit, sa huling datos ng Malacanang, 14.2 million doses pa lamang ng bakuna ang dumating sa bansa.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Herd Immunity