Phl-US military pact, maaaring ipawalang-bisa kung isusulong ng Amerika ang giyera sa South China Sea- DND Sec. Lorenzana

by Radyo La Verdad | February 10, 2017 (Friday) | 3164


Ikinabahala ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pahayag ng chief strategist at advisor ni US President Donald Trump na si Steve Bannon.

Sa isang ulat, sinabi ni Bannon noong March 2016 na posible ang pakikipagdigma ng Amerika kontra China kaugnay ng maritime dispute sa susunod na lima hanggang sampung taon.

Ayon kay Secretary Lorenzana, kung magkakaroon ng sigalot sa pagitan ng Amerika at China, madadamay ang Pilipinas dahil maraming Amerikanong sundalo ang naka-istasyon sa Pilipinas.

Dalawang taon na ang nakalipas mula nang pagtibayin ang Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA upang palawigin ang mutual defense treaty ng Pilipinas at Amerika.

Pinahintulutan ng kasunduan ang pagkakaroon ng mas maraming amerikanong sundalo sa Pilipinas at prepositioning ng military supplies sa mga kampo ng Armed Forces of the Philippines dahil sa ginawang reklamasyon ng China Sa South China Sea.

Ayon kay Secretary Lorenzana, ikukunsidera nito ang pagpapawalang bisa sa EDCA upang maiwasang maulit ang World War Two kung saan napinsala ang bansa dahil sa paggiging malapit nito sa Amerika.

Dagdag pa nito, kahit kaalyado ng Pilipinas ang Amerika, wala naman itong magagawang tulong kung pwersang militar ang pag-uusapan.

Ganito rin ang katuwiran ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya pinatitigil niya ang pagdadala ng kagamitang pangmilitar US Armed Forces at paglalagay ng arms depot sa Pilipinas.

Bahagyang naapektuhan ang ugnayan ng Pilipinas at Amerika sa simula ng panunungkulan ni Pangulong Duterte dahil sa pagtuligsa ni dating Pangulong Barack Obama sa anti-drug war campaign nito.

Nanumbalik naman ang magandang relasyon ng China at Pilipinas at nakipagkaibigan din si Pangulong Duterte sa Russian President na si Vladimir Putin.

Gayunman, pinagpauna ni Pangulong Duterte na wala itong balak na makipag-alyansang militar sa dalawang bansa.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , ,