Phl-China economic engagement, posibleng dahilan ng ‘di paglalagay ng arbitral ruling sa ASEAN foreign ministers statement

by Radyo La Verdad | August 9, 2017 (Wednesday) | 2605

Progresong pang-ekonomiya ang idinahilan ni Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano kung bakit hindi na binanggit sa statement ng ASEAN foreign ministers ang arbitral ruling na pumabor sa Pilipinas kontra China sa usapin ng agawan teritoryo sa West Philippine Sea.

Naiintindihan ito ni dating National Security Adviser Rolio Golez dahil kailangang balansehin ng Pilipinas ang relasyon nito sa China lalo at may nakukuhang pakinabang ang ating bansa sa kanila.

Sa kabila nito, nangangamba si Golez sa maaaring ibunga kung patuloy na hindi isusulong ng administrasyong Duterte ang karapatan natin sa West Philippine Sea, lalo’t patuloy ang ginagawang militarization at reclamation ng China sa lugar.

Ayon naman sa director ng Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea na si Atty. Jay Batongbacal, isang malaking bagay na binigyan diin naman ASEAN ministers ang importansya ng pagpapatigil sa militarization sa South China Sea kahit pa tapos na installations ng China sa lugar.

Inaasahan naman na bago matapos ang serye ng pulong ng ASEAN ngayong taon sa ilalim ng chairmanship ng Pilipinas ay maisapinal na ang code of conduct na maaaring maging legally binding sa pagitan ng mga bansang may overlapping claims  sa West Philippine Sea.

 

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , ,