PHIVOLCS, wala pang nakitang indikasyon ng malakas na pagsabog ng Bulkang Mayon

by Radyo La Verdad | January 19, 2018 (Friday) | 2768

Dakong alas sais kagabi nang muling magliwanag ang bunganga ng Bulkang Mayon dahil sa panibagong lava na ibinuga nito.

Batay sa pinakahuling report ng PHILVOCS, nakapagtala ng 48 rockfall events, 2 beses na pagbuga ng makapal na abo at isang volcanic earthquake ang sa nakalipas na 24 na oras.

Ayon kay PHILVOCS Director Undersecretary Renato Solidum, batay sa kanilang initial findings ay tanging ang pag-agos pa lamang ng lava ang kanilang namo-monitor, at wala pa silang nakikitang indikasyon ng malakas na pagsabog ng mayon.

Sa kabila nito, hindi pa rin dapat aniya ito ipagbawalang bahala ng mga residente ang ipinapakitang aktibidad ng bulkan kaya’t patuloy pa ring nakataas sa alert level 3 ang banta nito. Paliwanag pa ni Solidum, mayroon silang ikinokosiderang quota sa deposito ng bulkan na dapat nitong mailabas na maaring maging indikasyon ng malakas na pagsabog.

Kung pagbabatayan aniya ang naitalang pagsabog noong 2009 kung saan halos kahawig ang kasalukuyang sitwasyon ng bulkan, posibleng abutin pa aniya ito ng isang buwan kaya’t hindi pa rin maaring umalis sa evacuation centers ang mga residenteng lumikas.

Batay sa panuntunan ng PHILVOCS at ng provincial government ng Albay, wala pang magaganap na evacuation kung nanatili sa alert level one ang banta ng Mayon.

Subalit kung magkakaroon ng mababa hanggang katamtamang mga pagyanig at bahagyang pagliliwanag ng crater ng bulkan, itataas na ito alert level 2 at ipapatutupad ang pre-emptive evacuation.

Mandatory evacuation naman ang gagawin kung alert level 3 kung saan nagsisimula ang pamamaga ng bulkan at mayroon na ring mga pagbuga ng lava rockfall, at makapal na abo.

Forced evacuation naman kapag umakyat ang banta sa alert level 4, at tuluyang pagsabog naman ng bulkan ang alert level 5.

Una nang sinabi ng PHILVOCS na dapat na maging alerto ang lahat ng mga residente sa albay sa panahon na aktibo ang bulkan.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,