PHIVOLCS, pinag-aaralang ibaba na sa alert level 3 ang Mt. Mayon

by Radyo La Verdad | February 5, 2018 (Monday) | 4290

Bahagyang lava flow, ilang mahihinang pagputok at pagbubuga ng abo. Ito lamang ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS na aktibidad ng Bulkang Mayon sa nakalipas na weekend. Mas kakaunti ito kumpara sa mga naitalang sunod-sunod na aktibidad nito noong nakaraang linggo.

Kaya naman pinag-aaralan ng ahensya na ibaba sa alert level 3 ang Mt. Mayon mula sa kasalukuyang alert level 4. Ngunit ayon sa mga eksperto, masusing obserbasyon sa bulkan ang kanilang isasagawa sa susunod na dalawang linggo upang matiyak kung maaari nang ibaba ang alerto dito.

Paalala naman ng PHIVOLCS na kahit na ibaba man sa alert level 3 ang bulkan ay kritikal pa rin ang lagay nito.

Hangga’t may nakikita umanong pressure sa ilalim ng Mayon ay maaari pa ring magkaroon ng major eruption ang bulkan.

Samantala, ayon sa Albay Public Safety and Emergency Management Office, pinayagan nang makabalik sa kanilang mga bahay ang nasa pitong libong residente sa 3 barangay mula sa Legazpi City, 8 sa Camalig at 1 barangay sa Ligao. Sila ay nakatira sa labas ng 8-km extended danger zone.

Noong Biyernes ay ipinayagan na ng Office of the Civil Defense Region 5 na makauwi ang mga ito dahil sa pagbaba ng aktibidad ng bulkan.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,