PHIVOLCS, nakapagtala ng sunod-sunod na phreatic explosion sa Mt. Mayon sa Albay nitong weekend

by Radyo La Verdad | January 15, 2018 (Monday) | 1804

Tatlong magkakasunod na phreatic eruption o pagbuga ng makapal na abo ang naitala ng Philippine Volcanology and Seismology o PHIVOLCS sa Mt. Mayon nitong weekend.

Una itong nagbuga ng abo noong Sabado, alas kuatro biente uno ng hapon na umabot sa 2,500 feet ang taas. Sinundan ito ng phreatic eruption alas-otso kwarenta y nueve ng umaga kahapon at alas onse kwarenta y tres ng tanghali.

Maliban sa makapal na abo, nakapagtala din ang ahensya ng 158 rock falls events  sa paligid ng bulkan sa loob lamang ng dalawang araw.

Dahil dito, mula sa alert level two ay itinaas na sa level 3 ang alert status ng Mt. Mayon.

Paliwanag ni Dr. Ed Laguerta, ang resident volcanologist ng PHIVOLCS na naka-base sa Albay, posibleng mayroong nangyayaring paggalaw sa ilalim ng Bulkan.

Ayon pa PHIVOLCS, mayroon nang crater glow sa tuktok ng bulkan na senyales ng pag-angat ng magma sa bunganga ng bulkan.

Nangangahulugan umano ito ng posibleng pagsabog ng bulkan ngayong linggo. Kaya naman mahigpit na binabantayan ngayon ang 6 kilometer permanent danger zone sa paligid ng bulkan at 7 kilometer extended danger zone o EZD.

 

 

Tags: , ,