PHIVOLCS, nagsasagawa na ng assessment sa paggalaw ng lupa sa Surigao matapos ang 6.7 magnitude na lindol

by Radyo La Verdad | February 13, 2017 (Monday) | 2231


Posible tumagal pa ng ilang linggo ang mga nararanasang aftershock sa mga lugar malapit sa epicenter ng nangyaring lindol sa Surigao del Norte noong February 10.

Ayon kay PHIVOLCS Director Renato Solidum, ang Surigao segment ng Philippine fault ang gumalaw kung saan naitala ang magnitude 6.7.

Sa Surigao City ay umabot sa intensity 7 ang naramdamang pagyanig subalit sa pag-aaral ng PHIVOLCS ay maaaring umabot sa intensity 8 ang maaaring ilabas ng nasabing fault.

Huli aniya itong gumalaw noong 1879 kung saan naitala ang magnitude 6.9 subalit sa isinagawang re-assessment ng PHIVOLCS ay posibleng umabot pa ito sa magnitude 7.4.

Nagpadala na ng mga seismologist at staff ang PHIVOLCS sa lugar upang pagaralan ang naging paggalaw ng lupa at epekto ng lindol.

Sinabi rin ni Solidum na dapat ay agarang magsagawa inspeksyon ang lokal na pamahalaan sa mga gusali at iba pang istruktura upang malaman kung ligtas pa itong gamitin o hindi na.

Ang mga dalisdis ay dapat ding masuri kung may mga crack dahil posibleng magkaroon ng landslide sa oras na lumindol uli o magkaroon ng malalakas na pag-ulan.

Sinabi pa ni Solidum na mahalagang maging laging alerto ang publiko lalo na ang mga nasa Metro Manila kung saan una nang inihayag ng PHIVOLCS na may posibilidad na tumama ang isang malakas na lindol kapag gumalaw ang West Valley Fault.

(Rey Pelayo / UNTV Correspondent)

Tags: ,