Kabilang ang Mt. Isarog at Mt. Asog sa mga active volcano na matatagpuan sa Camarines Sur batay sa pag-aaral ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS.
Ayon sa Senior Science Specialist ng PHIVOLCS Region V na si Ed Laguerta, taong 1641 pa huling pumutok ang Mt. Isarog na isang andesitic strato volcano.
Ang Mt. Asog naman na kilala rin sa tawag na Mt. Iriga ay matatagpuan sa Iriga City at taong 1628 at 1642 pa ang pinakahuling naitalang phreatic explosion nito.
Ito ang dahilan kaya prayoridad ngayon ng ahensya na lagyan ng instrumento ang dalawang unmonitored active volcanoes sa probinsya.
Isang broadband seismograph ang nakatakdang ilagay ngayong taon sa 2 bulkan para makakuha ng impormasyon sa paggalaw o pagyanig sa bulkan.
Ngunit ayon kay Laguerta, hindi pa tiyak kung kailan ito mailalagay dahil kailangan pa nilang hintayin ang resulta ng bidding ng local government ng Camarines Sur sa lupaing paglalagyan ng instrumento.
Samantala, sinabi naman ng ahensya na walang dapat ipangamba ang mga residente sa paligid ng Mt Isarog at Mt.Asog dahil monitoring instrument lamang ang ilalagay sa mga bulkan.
(Allan Manansala / UNTV Correspondent)
Tags: Camarines Sur, monitoring device, Mt. Asog, Mt. Isarog, PHIVOLCS