PHIVOLCS, kinumpirma na nagkaroon ng lahar flow mula sa Mt. Mayon dulot ng walang tigil na pag-ulan

by Radyo La Verdad | January 29, 2018 (Monday) | 3808

Simula noong nakaraang Biyernes ay wala ng tigil ang pag-ulan sa malaking bahagi ng lalawigan ng Albay. Makulimlim ang kalangitan at halos hindi na maaninag ang Bulkang Mayon dahil nababalot ito ng makapal na ulap.

Mahigpit na nakabantay ang Philippine Institute for Volcanology and Seismology o PHIVOLCS sa epekto ng malakas na ulan sa paligid ng bulkan.

Ayon kay PHIVOLCS Director at DOST Undersecretary Renato Solidum, nakapagtala sila ng lahar flow mula sa Mount Mayon sa isang channel o daluyan sa pagitan ng barangay Miisin at Budiao sa boundary ng bayan ng Camalig at Daraga sa Albay.

Sa drone shot ng UNTV News Team, kitang kita ang bakas na dinaanan ng lahar sa isang dating walang masyadong tubig na daluyan malapit sa paanan ng Mayon.

Kapansin-pansin rin ang lawak ng daluyan na inukit na ng panahon, nagkalat rin ang malalaking tipak ng bato sa buong kahabaan ng channel.

Ayon kay Usec. Solidum, bukod sa lahar, nakakita rin sila ng sediment flow sa maraming mga channel sa paligid ng Bulkang Mayon. Halos nagkulay tsokolate ang sediment flow, ani Solidum, senyales ito na inanod ang mga depositong inilabas ng Mayon simula ng pumutok ito.

Taong 2006 ng bayuhin ng malakas na hangin at buhos ng ulan ng bagyong Reming ang probinsya ng Albay na isa sa mga hindi malilimutang karanasan ng mga Bikolano. Nang manalasa ang bagyong Reming, rumagasa ang tubig lahar kasama ng malalaking tipak ng bato sa brgy. Masarawag sa Albay, marami ang namatay at inanod na mga bahay.

Sa ngayon nagmistulang isang tuyot na ilog na lamang ang bahaging ito ng Masarawag at nagkakatubig lamang kapag malakas ang ulan.

Sa kasalukuyan, wala ni isang naitala na casualty o patay, walang sugatan at wala ring nawawala sa buong Albay dahil sa pagputok ng Bulkang Mayon.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,