PHIVOLCS, binabantayan ang banta ng pagragasa ng lahar sa paligid ng Bulkang Mayon

by Radyo La Verdad | January 25, 2018 (Thursday) | 3460

Maghapon kahapon ay naranasan sa lalawigan ng Albay ang bahagyang makulimlim ng panahon na posibleng indikasyon ng pagbagsak ng ulan sa mga susunod na araw.

Kaya naman nangangamba ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS na rumagasa ang lahar mula sa Mt. Mayon kapag nangyari ito.

Ayon sa PHIVOLCS, kapag bumuhos ang malakas na ulan, posibleng madala nito ang mga volcanic materials na ilang araw nang ibinubuga ng Bulkang Mayon.

Tatlong bayan ang nakikita nilang pinaka-aaapektuhan nito kung sakali, ito ay ang mga bayan ng Ligao, Camalig at Guinobatan.

Kaya naman mahigpit na nagbilin ang PHIVOLCS sa mga lokal na pamahalaan na nakakasakop sa mga lugar na ito maging sa mga otoridad na bantayang mabuti ang sitwasyon sa mga lugar na ito at tiyakin na hindi babalik ang mga residente na inilikas na mula sa mga naturang lugar.   

Matatandaan na noong November 2006 ay nanalasa ang bagyong Reming sa rehiyon ng Bicol at isa sa matinding epekto nito ay ang pagka-trigger ng lahar flow na kumitil ng mahigit isanlibo at dalawandaang tao. Kaya naman nais ng PHIVOLCS at ng lokal na pamahalaan na maiwasan ito ngayong taon.

Sa isang banda, nakikita naman ng mga opisyal na posibleng makatulong sa probinsya ng Albay at sa problema sa abong bumabagsak mula sa bulkan ang bahagyang pag-ulan lamang.

Maaalis umano nito ang mga abo na bumabalot sa malaking bahagi ng lalawigan at maiiwasang magkasakit ang mga tao ng respiratory illnesses.

Sa ngayon, umaabot na sa 6.2 million cubic meters ng lava kabilang ang mga malalaking batong ang naibuga ng Mt. Mayon.

Umabot sa 5 beses na lava fountaining o yung phreatomagmatic eruption ang naitala sa Mayon sa loob ng 24 oras, 3-5 km naman ang taas ng ash plumes  na ibinuga nito na nakaapekto hanggang sa Iriga City sa Camarines Sur.

 

( Allan Manansala / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,