METRO MANILA – Tiniyak ng Philippine Statistics Authority (PSA) na lahat ng impormasyon na nakalagay sa Philippine Identification System (PhilSys) ay ligtas, protektado at nasa ilalim ng PhilSys Act of 2018 at Data Privacy Act of 2012.
Pinoprotektahan ang permanenteng unique identifier ng applied privacy-by-design principles, tulad ng data minimization, proportionality, at tokenization ng PhilSys Number (PSN) na gumagamit ng derivatives imbes na aktwal PSN.
Mayroon ding close coordination ang PSA sa National Privacy Commission, National Security Council, at Department of Information and Communications Technology (DICT) upang matiyak na ligtas ang lahat ng impormasyon.
Paalala sa mga registrant na panatilihing pribado ang PSN at hindi marapat na isiwalat kahit kanino maliban kung nire-require ng batas.
Isa ang security assessment method sa structural measures para matiyak ang seguridad ng PhilSys data at cybersecurity.
Sumasailalim sa regular vulnerability assessment, penetration testing, at third-party software code audits ang PhilSys project.
Ang registration data ay encrypted at ang personal data naman ay naka-segment, nasa buong pagmamayari at kontrol ng gobyerno.
Ang physical card naman ng Philippine Identification ay may dagdag seguridad sa pamamagitan ng PhilSys card number na pumoprotekta sa PSN.
Maaaring ma-access ang PhilSys sa kanilang online portal na register.philsys.gov.ph/.
Mayroon nang kabuuang bilang na 50,014,382 na Pilipino ang nakapagparehistro noong Disyembre 11,2021.
Nilagdaan ang Republic Act 11055 o PhilSys Act ni President Rodrigo Duterte noong August 2018, na may layong makapagtayo ng single national ID sa lahat ng Pilipino at alien residents.
Magiging patunay ito ng pagkakakilanlan at makakapagpadali ng mga private at public na transaksyon, school enrolment, at pagbubukas ng account sa bangko.
Mapadadali din nito ang government services na kung saan ipiprisenta lamang ng mga tao ang PhilID sa mga transaksyon.
(Ritz Barredo | La Verdad Correspondent)