Philippine Rice Research Institute, patuloy na pinag-aaralan ang mga uri ng palay na maaaring mabuhay sa kabila ng climate change

by Radyo La Verdad | September 10, 2015 (Thursday) | 1529

PHILRICE
Abala ngayon ang maraming mananaliksik sa Philippine Rice Research Institute hinggil sa patuloy na pag-aaral sa iba’t ibang uri ng palay na maaaring mabuhay at mamunga sa kabila ng epekto ng climate change.

Sa 28th Rice Research and Development forum sa Science City of Munoz, Nueva Ecija, ibinahagi ng Philrice sa mga kalahok, partikular na sa mga magsasaka, ang mga variety ng palay na maaaring itanim kahit kakaunti ang supply ng tubig.

Kabilang sa mga ito ang PSB RC10, NSIC RC130 (tubigan 3) at NSIC RC152 (tubigan 10) na maaaring itanim sa lowland areas at maaaring anihin matapos ang isandaan at siyam na araw.

Ang sahod ulan varieties naman gaya ng NSIC RC192, PSB RC14 (Rio Grande) at PSB RC68 (Sacobia) ay maaaring anihin matapos ang isandaan at anim na araw.

Ayon kay Philrice Director Calixto Protacio, kalimitang problema ng mga magsasaka ang kawalan ng maitatanim kapag masyadong mainit ang panahon dahil sa ‘di kaaya-ayang kondisyon ng lupa.

Dagdag pa riyan ang banta ng mas pinalakas na el nino phenomenon na maaaring maramdaman sa huling bahagi ng 2015 hanggang 2016. (Grace Doctolero / UNTV News)

Tags: