Oras na makumpleto ang mga kinakailangang impormasyon, magpapadala ang Philippine Navy ng Naval Task Force na aayuda sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sagipin ang tatlong Pilipinong binihag sa Libya. Batay ito sa inilabas na pahayag ng hukbong dagat ng Pilipinas nitong weekend.
Kasunod ito ng naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na plano niyang magpadala ng Philippine Navy frigates para sagipin ang mga Filipino kidnap victims.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag noong Biyernes nang ilunsad ang Northern Mindanao Wellness and Reintegration Center sa Barangay Casisang, Malaybalay City, Bukidnon.
Tatlong Filipino engineers at isang South Korean ang binihag ng mga armadong lalaki sa Western Libya noong ika-6 ng Hulyo. Isang video ang lumabas sa social media na nagkukumpirma sa kanilang abduction.
Una nang nagpadala ng warship ang South Korea sa Libya para i-secure ang release ng kanilang kababayan.
Ayon naman kay Pangulong Duterte, ibibigay niya ang kaniyang pinal na desisyon matapos ang kaniyang cabinet meeting ngayong araw at ang nakatakda niyang command conference sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) bukas.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: DFA, Naval Task Force, Philippine Navy