Simula ngayong araw hanggang Abril 6 naka heightened alert na ang Philippine CoastGuard para sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan.
Sa tala ng PCG, kaninang alas sais ng umaga, umabot na sa mahigit 13,600 ang bilang ng mga sumakay ng barko sa iba’t ibang pantalan sa buong bansa.
Ayon kay Coastguard Acting Spokesman Commander William Arquero, sa ngayon naka antabay na ang mga tauhan ng PCG sa mga pantalan upang tumulong sa inspeksyon.
Paalala ng coastguard sa mga pasahero iwasan na ang pagdala ng maraming gamit kundi ang mga kailangan lamang.
Iwasan din ang pagbibitbit ng mga ipinagbabawal na kagamitan tulad ng mga explosives, flammable gas and liquid, mga matutulis na bagay, baril at toxic substances upang makaiwas sa abala.
Payo din ng PCG sa mga pasahero na dumating ng maaga sa pier o kung maari ay maglagay ng mahabang oras na allowance sa byahe papunta sa pantalan upang huwag maiwan ng barko.
Binigyang diin din ng PCG na huwag tangkilikin ang mga kolorum na sasakyang pandagat.
Karaniwang may mga kolorum na sasakyang pandagat ang mga motorized bangka na bumibyahe ng inter island.
Walang makukuhang insurance ang pasahero sa mga kolorum na sasakyang pandagat sakaling magkaroon ng sakuna.
Sa isyu naman ng overloading maaring agad ipagbigay alam sa mga tauhan ng pcg sa mga pantalan kung nakikitang tila overloaded na ang isang passenger vessel.
Maari ding makipag ugnayan sa coastguard sa pamamagitan ng kanilang hotline na 09177243682.(Victor Cosare,UNTV Correspondent)