METRO MANILA – Hindi para sa publiko ang sulat na kumalat mula sa isang opisyal ng Philippine Air Force (PAF).
Nakasaad dito na dapat pindutin ng 2 beses ang cancel button sa ATM bago isaksak ang card para huwag manakaw ang personal identification code nito. Ayon kay Air Force Maj. Arestides Galang, isa lamang itong paalala para sa mga tauhan ng PAF KAUGNAY sa paggamit ng atm ngayong holiday season.
“Kung ano ang nakikita namin na ina-announce sa facebook, sini-share kasi nila yan sa mga personnel para magtodo-todo ingat sila ngayong holiday season. Hindi kami naglalabas ng statement para sa taongbayan, ang nakalagay dyan to paf personnel so para yan sa mga personnel ng PAF yan.” ani Philippine Air Force Spokesperson Maj. Arestides Galang.
Wala pang abiso ang mga bangko at maging ang Bangko Sentral hinggil dito pero dati na itong pinabulaanan ng mga eksperto.
Ang totoong banta anila ay ang mga nagsasaksak ng skimming device sa mga keypad ng ATM upang makuha ang detalye ng isang card na kinokopya ng mga kawatan.
Ang PNP, pinaiiwas din ang publiko sa pagwi-withdraw ng malalaking halaga ng pera lalo na kung gabi.
Ito’y upang maiwasan ang katulad na insidente noong Dec.5 sa baesa quezon city kung saan binaril ng riding in tandem ang isang lalaki matapos na kunin dito ang winidraw na P11-B.
Payo ni PNP Spokesperson PBGen. Bernard Banac sa publiko, mas ligtas gamitin ang debit card o credit card sa shopping upang hindi na kailangang magbitbit ng malaking halaga ng cash.
“Nagkakaroon tayo ng security problem sa tuwing tayo po ay maaring mabiktima ng pandurukot o salisi o natatangayan tayo ng cash natin, samantalang kung ang nawala sa atin ay yung card ay hindi naman ito magagamit dahil meron itong password na kailangan, sa mga mandurukot wala itong silbi sa kanila (yung card).”ani PNP Spokesperson PBGen. Bernard Banac.
Maaari din aniya ang pagbili online ngunit cash on delivery basis lamang upang hindi na makipagsiksikan sa mga malls.
“Kailangang makipag transaksyon sa mga lehitimo na mga establishments at yung pagbibigay ng mga personal information at password ay kailangang ingatan po natin.” ani PNP Spokesperson PBGen. Bernard Banac.
Panawagan ni Banac sa publiko agad na ipagbigay alam sa mga pulis sakaling nagkaroon ng security problem sa mga malls at matataong lugar.
(Joan Nano | UNTV News)
Tags: ATM, Philippine Air Force