PhilHealth contribution, walang dagdag-singil ngayong 2023

by Radyo La Verdad | February 8, 2023 (Wednesday) | 1941

METRO MANILA – Ipinahayag ni PhilHealth Acting President at Chief Officer Emmanuel Ledesma, Jr., nitong February 2 na walang dagdag na babayaran ang kanilang mga miyembro para sa kanilang insurance ngayong taong 2023 base sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na ipagpaliban ang panukalang 4.5% na dagdag-singil sa premium contribution ng mga miyembro ng Philippine Heath Insurance Corporation (PhilHealth).

Ayon sa pahayag ng pinuno ng PhilHealth, kaisa umano ang ahensya sa layunin na mapagaan ang gastusin ng mga Pilipino sa gitna ng nararanasang krisis dulot ng pandemya.

Bunsod nito, mananatili ang kasalukuyang 4% na premium rate at P80,000 income ceiling para sa taong 2023.

Samantala, ipinabatid ni Ledesma na isinusulong ng PhilHealth sa pagdinig ng senado ang panukalang gawing fixed-rate ang premium para sa ibang miyembro nito alinsunod sa National Health Insurance Program on Equity and Social Solidarity.

(Jasha Gamao | La Verdad Correspondent)

Tags: