Phil. Genome Center, wala pang nade- detect na Omicron variant sa Pilipinas

by Radyo La Verdad | December 6, 2021 (Monday) | 8160

METRO MANILA – Ikinukonsidera ng Philippine Genome Center (PGC) ang posibilidad na makapasok ang Omicron variant sa Pilipinas.

Sa kasalukuyan ay wala pang naitatalang kaso ng bagong  COVID-19 variant bansa.

Ayon kay PGC Exec Director Dr Cynthia Saloma, nakabantay  ang pamahalaan sakaling may ma- kumpirmang kaso ng Omicron lalo’t mabilis din itong kumalat at posibleng mas nakahahawa kumpara sa Delta variant.

“What is really important is—it is possible that it has entered our borders or cannot be possible. We are on the lookout for that. But it is also very important for all of us na kung kailangan tayo mag quarantine, makipag- uganayan tayo sa health facilities at saka sa LGUs para hindi na po mag spread pa.” ani Phil Genome Center Executive Director, Dr Cynthia Saloma.

Ayon naman sa Department of Health (DOH), nakatutok ang mga otoridad sa kondisyon ng inbound travelers sa bansa.

Naisumite na rin ng DOH sa PGC ang samples ng 3 biyaherong positibo sa COVID-19 na mula sa South Africa, Burkina Faso sa West Africa at sa Egypt.

Ayon pa sa DOH, sa ngayon wala rin nakikitang clusters o paglobo ng COVID-19 cases sa mga lugar sa bansa.

Samantala, kung tatanugnin naman ang PGC, ayon kay Dr Saloma mas handa na ang Pilipinas ngayon kumpara nang kumalat ang Delta variant.

Bukod pa rito, mas madami na ngayon ang may proteksyon  sa virus dahil mas maraming pilipino na ang bakunado kontra covid-19 kasunod ng isinagawang national vaccination drive.

Muling paalala ng mga eksperto, magpabakuna na dahil mabisa at may proteksyon  pa ring naibibigay ang mga COVID-19 vaccines laban sa anomang COVID-19 variants.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: ,