Phase 2 ng pediatric vaccination, sisimulan ngayong araw, Oct. 22 – NVOC

by Radyo La Verdad | October 22, 2021 (Friday) | 1411

Sisimulan na ngayong Biyernes, Oct. 22 ang pagpapalawig sa vaccination ng pediatric A3 sector, o mga menor de edad na labindalawa (12) hanggang  labimpitong (17) taon na mayroong comorbidities.

Pumayag ang National Vaccination Operations Center o NVOC na magdaos ng pagbabakuna sa mga vaccination site na hindi ospital.

Dalawampu’t lima ang inisyal na vaccination sites kasama na rito ang walong pilot hospitals kung saan isinagawa ang phase 1.

Kabilang sa non-hospital site para sa phase 2 ay sa  Oreta Sports Complex sa Malabon City, Marikina Sports Complex, SM Megamall vaccination site sa Mandaluyong City at ang University of Perpetual Help Alta System sa Las Piñas City.

Ayon kay Dr. Kezia Rosario ng NVOC, may basehan naman sila kaya papayagan ang mga local government na magbakuna kahit na hindi na ospital para sa phase 2.

“We allowed several local governments after inspection. Nag-inspect po iyong NVOC at saka iyong Center for Health Development Metro Manila ‘no, ng mga vaccination sites na ito. Pero ang isang colatilla malapit lang talaga sila sa ospital so may pinayagan kaming mga vaccination site po,” ani Dr. Kezia Rosario, National Vaccines Operation Center.

Ayon kay Dr. Rosario, humingi ng permiso ang mga local government unit sa NVOC dahil hindi kayang gawin lahat ng pagbabakuna sa mga menor de edad sa mga ospital.

May basbas din ng Inter Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang desisyong palawigin na ang pediatric A3 vaccination sa mga hindi ospital.

Tiniyak naman ng NVOC na may sapat na Pfizer at Moderna Covid-19 vaccines na magagamit para sa mga menor de edad.

Batay sa tala ng DOH, as of October 19, 3,416 na mga batang 12-17 taong gulang ang nakatanggap na ng kanilang first dose ng Covid-19 vaccines.

Ayon sa NVOC, apat na mga bata ang nakaranas ng adverse effects pagkatapos mabakunahan gaya ng allergic reaction at stress-related effect ng pagpapabakuna nguni’t lahat ng ito ay nasa maayos na kondisyon sa ngayon.

Aiko Migue | UNTV News

Tags: