PH, pagkakalooban ng marine litter-collecting vessel at maritime safety projects mula sa SK

by Radyo La Verdad | September 1, 2022 (Thursday) | 530

METRO MANILA – Nakatakdang magkaloob ng 1 marine litter-collecting vessel ang South Korea sa Pilipinas ayon sa pahayag ni Korean Embassy Consul General Lee Kyoo Ho nitong Martes (August 30) bilang pagpapatibay sa bilateral partnership ng 2 bansa at paglaban sa marine plastic pollution.

Layunin ng proyekto na mabawasan ang mga panganib sa dagat at makamit ng Pilipinas ang malinis, malusog at sustainable na karagatan.

Inaasahang matatapos ang disenyo ng sasakayang-dagat ngayong taong 2022 bagama’t naantala dahil sa pandemya noong 2021 at nakatakdang magserbisyo sa Manila Bay kapag natapos na.

Dagdag dito, magbibigay rin ng official development assistance ang South Korea na aabot sa US$7.7-M kasama ang pagtatatag ng 1 marine litter monitoring system at libreng pagsasanay para sa mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Philippine Coast Guard (PCG).

Nangako naman ng 2 buoy base at capacity-building programs ang Korea Export-Import Bank (KEXIM) sa pakikipagtulungan sa Department of Transportation (DOTr) para sa Aids to Navigation (AtoN) sa mga lalawigan ng Romblon at Cebu na popondohan ng KEXIM ng $105-M.

(Andrei Canales | La Verdad Correspondent)