Kinumpirma ni Col. Edgardo Arevalo, acting chief ng armed forces of The Philippines Public Affairs Office ang early retirement ngayong buwan ni Marine Major General Alexander Balutan matapos nyang tanggapin ang alok ng administrasyon na maupo bilang chief ng Bureau of Corrections o BUCOR.
Ayon kay Arevalo, sinabi ni Gen.Balutan na pag upo nya bilang director ng BUCOR sa Agosto 1, maglalagay sya ng mga sundalong marino at Philippine National Police Special Action Force sa National Bilibid Prison o NBP.
Sa kasalukuyan ay dumadaan na sa special training ang mga marinong napili na magbantay sa NBP upang maihanda ang mga ito sa panibagong trabaho.
Magpapalitan buwan-buwan ang mga sundalong marino at SAF sa pag-gwardya sa bilibid.
Isang buwang magbabantay ang SAF at susundan naman ito ng marines na gagwardya din sa lugar sa loob ng isang buwan.
Ayon kay Arevalo, wala pang tiyak na bilang ng mga sundalo at pulis na pagbabantayin sa bilibid hangga’t hindi pa nakikita ni Gen. Balutan ang sitwasyon sa loob.
Nauna nang inanunsyo ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre noong martes na inirekomenda nila si Gen.Balutan kay Pangulong Rodrigo Duterte sa paniniwalang makatutulong ang heneral na solusyunan ang produksyon ng iligal na droga sa bilibid.
Ayon kay Aguirre, hindi na nila maaantay ang mandatory retirement age ni Balutan sa October 17 kayat inalok na ito ng early retirement.
Bibigyan ng Philippine Navy ng retirement honors si Gen. Balutan sa huling araw nito sa military service sa darating na Hulyo 30.
(Yoshiko Sata/UNTV Radio)
Tags: early retirement