PH Gov’t, dapat maglabas ng pahayag para kay Beijing Ambassador — Rodriquez

by Radyo La Verdad | May 3, 2023 (Wednesday) | 411

METRO MANILA – Ipinahayag ni Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez na bukod sa paghahain ng diplomatic note, dapat din aniyang maglabas ng pahayag o order ang Philippine Government kay Philippine Ambassador sa Beijing na si Jaime FlorCruz, na umuwi at huwag nang bumalik maliban kung may matanggap na tawad mula sa Chinese Government.

Aniya, umabot na sa 193 ang protestang naihatid sa Beijing nitong 2022, kabilang ang 65 sa ilalim ng administrasyong Marcos ang hindi dininig ng China.

Dahil dito patuloy ang agresibong aktibidad ng China laban sa Philippine Coast Guard at mga mangingisda, mula sa hilagang bahagi ng ating bansa sa Pangasinan at Zambales hanggang sa timog ng Palawan.

Samantala, nasaksihan ng mga Pilipino at dayuhang mamamahayag, kabilang ang Agence France Presse (AFP) na sakay ng Malabrigo ang muntik na banggain ng CCG vessel sa 144-feet na BRP Malapascua.

Dagdag pa ni Rodriguez, ang Chinese Coast Guard ay patuloy na nang-aapi sa mga barko ng PCG at maliliit na bangka na nasa Ayungin Shoal sa labas ng Palawan, na siya ring nararanasan ng mga mangingisda sa Scarborough Shoal malapit sa Zambales at Pangasinan.

(Jomar Gambol | La Verdad)