Petition for review sa desisyon ng unang investigation panel sa Ortega Murder Case, di pa maresolba dahil sa apela ng DOJ sa Korte Suprema

by Radyo La Verdad | September 23, 2015 (Wednesday) | 920

JUSTICE-DE-LIMA
Nakabinbin pa rin sa Department of Justice ang petition for review ng pamilya Ortega sa kaso ng pagpaslang sa broadcaster na si Doc. Gerry Ortega.

Hinihiling sa naturang petisyon na tuluyan nang ipawalang-bisa ang desisyon ng unang investigation panel ng DOJ na nagpapawalang-sala kina dating Palawan Gov. Joel Reyes at dating Coron, Palawan Mayor Mario Reyes na mga pangunahing akusado sa pamamaslang.

Ito ay upang mawala na ang kwestyon sa resolusyon ng ikalawang investigation panel na nagsasabing may basehan upang kasuhan ang magkapatid na Reyes.

Ngunit ayon kay Sec. Leila de Lima, napipigilan siyang resolbahin ang petisyon dahil maaapektuhan nito ang apela ng DOJ sa Korte Suprema.

Umapela sa Korte Suprema ang DOJ matapos mag desisyon ang Court of Appeals na illegal ang paglikha sa ikalawang investigation panel ng DOJ.

Ngunit iginiit ni De lima na may kapangyarihan ang Secretary of Justice na lumikha ng bagong panel dahil sa pagtanggi ng unang panel na hawakan pa ang kaso.

Dahil dito, gustuhin man umano ng kalihim na pagbigyan ang kahilingan ng pamilya Ortega, mahihirapan silang gawin ito sa ngayon.

Plano ni De lima na kausapin ang matataas na opisyal ng DOJ upang pag usapan ang isyu. (Roderic Mendoza / UNTV News)

Tags: , , ,