Petisyong tuluyang magdedeklara sa CPP-NPA bilang teroristang grupo, target maisumite ng DOJ sa korte sa susunod na linggo

by Radyo La Verdad | January 12, 2018 (Friday) | 2676

Aminado si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na marami pang pagdadaanang proseso bago opisyal na maideklara bilang teroristang grupo ang Communist Party of the Philippines- New People’s Army o CPP-NPA.Target ng DOJ na maisumite sa susunod na linggo sa korte ang petisyon hinggil dito.

Posibleng namang magiging mainit ang pagdinig ng korte hinggil dito lalo na’t inaasahang magsusumite rin ng kanilang mosyon ang makakaliwang grupo.

Samantala, inihayag naman ni Secretary Aguirre na nasa Pilipinas na ang ilan sa mga high ranking officials ng CPP-NPA tulad ng mag-asawang Tiamzon.

Nakapagsumite na rin aniya ang pamahalaan sa korte ng cancellation ng bail para sa karamihan ng mga consultant na pansamantalang pinalaya sa piitan dahil sa usapang pangkapayapaan.

Noong Disyembre ay opisyal na ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang pagdedeklara sa CPP-NPA bilang teroristang grupo dahil sa patuloy na pag-atake ng mga ito sa tropa ng pamahalaan sa kabila ng umuusad na usapang pangkapayapaan.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,