Hindi kinatigan ng Korte Suprema ang hiling ng ilang grupo na palawigin pa hanggang sa Enero ang pagrerehistro ng mga botante.
Sa isang unsigned resolution na inilabas ng korte, dinismiss ang petisyon ng iba’t ibang grupo na pinangungunahan ng Kabataan Partylist dahil sa kawalan ng merito.
Ayon sa Korte Suprema, may kapangyarihan ang Comelec na magtakda ng deadline ng registration.
Hindi rin umano obligado ang Comelec sa ilalim ng RA 8189 o continuing voter registration act na isagad hanggang sa January 8 ang pagrerehistro ng mga botante o 120 araw bago ang halalan.
“The court, in it’s resolution, agreed with the Comelec that the 120 days is not the reckoning point for determining the last day of filing for applications for registration because the law providing for the 120/90 day periods only determines when registration is no longer allowed. It does not mandate that the period for registration should be up to that time.” Pahayag ni Supreme Court Spokesperson Atty. Theodore Te
Bukod dito, ayon sa Korte Suprema, may mga ginagawang preparasyon ang Comelec na nakadepende sa registration ng mga botante.
Kaya’t maaaring makasama sa preparasyon ng Comelec kung sakaling uutusan pa rin ito na palawigin pa ang registration period.
Sa huli, sinabi ng Korte na nabigyan naman ng sapat na panahon ang mga botante na magrehistro mula may 2014 hanggang nitong nakaraang October 31.
Kung may mga botante man umanong hindi pa rin nakapag rehistro, hindi na ito maaaring isisi sa Comelec.
Ikinalungkot naman ng mga petitioner ang hatol ng Korte Suprema dahil mapipigilan umano nito ang mga baguhang botante na makaboto sa darating na halalan sa Mayo. (Roderic Mendoza/ UNTV News)
Tags: Korte Suprema, voter registration