Petisyon upang ideklarang unconstitutional ang BBL, dinismiss ng Korte Suprema

by Radyo La Verdad | June 23, 2015 (Tuesday) | 1247

ATTY THEODORE TE
Masyado pang maaga ayon sa Korte Suprema upang kwestyonin ang legalidad ng panukalang Bangsamoro Basic Law.

Sa kasalukuyan, hindi pa tapos ang debate sa mababang kapulungan ng kongreso tungkol sa BBL habang hindi pa rin ito nakalulusot sa komite sa Senado.

Kaya’t dinismiss ng korte ang petisyon na naglalayong ideklarang unconstitutional o hindi naaayon sa saligang-batas ang BBL.

Samantala, pinasasagot naman ng Supreme Court ang gobyerno ng Pilipinas sa dalawang petisyon na humihiling na mapawalang-bisa ang mga kasunduang pangkapayapaan na nilagdaan sa MILF o Moro Islamic Liberation Front.

Kinuwestyon ng Philconsa o Philippine Constitution Association at ni dating Negros Oriental Congressman Jacinto Paras ang Framework Agreement on the Bangsamoro at Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.

Ayon sa kanila, depektibo ang mismong pagsasagawa ng usapang pangkapayapaan dahil tanging ang MILF lamang ang kinausap ng gobyerno at hindi isinama ang ibang mga grupo gaya ng Moro National Liberation Front at grupo ng mga Lumad.

Hindi rin umano kinonsulta ang karamihan sa mga apektado ng naturang mga kasunduan.

Tags: