Petisyon para sa taas-sahod ng mga guro, inihain sa Kamara

by Radyo La Verdad | October 5, 2022 (Wednesday) | 2597

METRO MANILA – Kulang na talaga ang siniseweldo ng mga public school teacher sa bansa.

Ayon kay ACT Teachers Partylist Representative France Castro, nasa salary grade 11 lamang ang starting salary ng mga guro o katumbas ng P25,439 kada buwan.

Mas mababa ito kung ikukumpara sa entry-level salary ng mga nurse na nasa salary grade 15 o katumbas ng P35,097.

Mas mataas din ang sweldo ng mga military at uniformed personnel matapos itong doblehin noong 2018. Sa 1 buwan sumusweldo ang mga ito ng mahigit P29,000.

Hirap na aniya ang mga guro na pagkasyahin ang kanilang sweldo lalo sa gitna ng matataas na presyo ng bilihin.

Mayroon din silang karagdagang binabayaran bukod sa mga gastusin pa sa bahay.

Isinumite ang petisyon sa Kamara kung saan nasa 57,000 na mga guro ang pumirma rito.

Ayon pa kay Representative Castro, dahil sa mababang sweldong natatanggap ng mga guro, ilan sa mga ito ang nagdedesisyong mangibang bansa na lamang.

Hindi rin dapat pagbasehan ang sweldo ng mga private school teacher para masabing tama lang ang natatanggap ng mga guro sa pampublikong paaralan.

Samantala, pinag-aaralan na rin ng mambabatas na maghain ng panukalang batas para taasan na rin ang minimum salary ng mga private school teacher.

(Aileen Cerrudo | UNTV News)

Tags: