Petisyon para sa P10-P15 dagdag pasahe sa jeep, diringgin ng LTFRB sa March 8

by Radyo La Verdad | February 22, 2022 (Tuesday) | 7589

Nananawagan  ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines sa LTFRB na ibalik ang dating sampumpisong minimum fare na naaprubahan na ng ahensya noon pang 2018.

Ito ay habang pinag-uusapan pa sa ahensya ang fare increase petition na 12 pesos na minimum fare na kanilang isinumite noon pang Oktubre ng nakaraang taon.

Bukod pa riyan ang bagong petisyong isinumite ng ilang grupo na 15 pesos na pasahe.

Bunsod ito ng patuloy na pagtaas sa presyo ng krudo at iba pang bilihin.

“Nung bumaba po yung mga halaga ng mga krudo, kami po ay automatic na nagbaba ho. Instead of 10 pesos, ginawa naming 9 pesos yung pamasahe namin. Eh hinihingi lang po naming for action agad eh sana gumawa na ng order ang LTFRB para naman po pansamantala maitaas ho. Maibalik namin sa 10 pesos plus yung habang hinihintay namin yung petition namin na 12 pesos fare increase,” ani Ricardo “Boy” Rebaño, National President, FEJODAP.

Daing naman ng ilang jeepney drivers na payagan silang magtaas ng pamasahe dahil bukod sa mataas na presyo ng krudo ay limitado pa rin ang kanilang mga pasahero bunsod ng patuloy na epekto ng pandemya.

“Talagang hirap talaga. Tiyagaan lang talaga. Ang haba ng pila namin diyan o. Kaya kung mag-iiskyerda kami, wala kaming magagawa. Napunta lang sa krudo,” ayon kay Carlos Gonzaga, driver ng jeep.

“Napupunta lang sa krudo yung bawat ikot namin. Wala na kaming maiuwi minsan. Dalawang daan-tatlong daan na lang po maiuwi namin. Kulang na kulang po para sa pang-araw-araw naming kita—panggastusin,” ani Reynold Pareño, driver ng jeep.

Para naman sa ilang pasahero, mauunawaan nila ang dagdag pasahe ngunit  huwag naman sanang umabot sa 15 pesos ang minimum fare.

“Marami po kasing mga driver na naghihirap po sa pandemic ngayon. Okaly po sa akin mag-increase. Kahit mga 11 pesos lang po, okay na po iyon,” sinabi ni Sam, pasahero ng jeep.

Nangako naman ang LTFRB na masusi nilang sisiyasatin at pag-uusapan ang mga petisyon sa dagdag pasahe sa kanilang pagdinig sa March 8.

Ayon kay LTFRB regional director Atty. Zona Tamayo, kailangan pa rin ikonsulta sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan ang ano mang paggalaw sa pamasahe lalo na ang pagtaas nito.

Ngunit tiniyak niyang babalansehin ng pamahalaan ang kapakanan ng mga drayber at mga pasahero.

“Hindi lang ho kasi yoong iga-grant ba iyan, or ide-deny ang pinag-uusapan but the effect po noong sakaling i-grant nga na for the fare increase lalo na ‘pag fare increase because we are all aware naman po that if nagkakaroon po ng fare increase, hindi lang yung pamasahe ang apektado. Goods and services relate—that would involve transport of goods and services would definitely be affected as well,” pahayag ni Atty. Zona Russet M. Tamayo, Regional Director, LTFRB NCR.

Nakatakdang magsagawa ang LKTFRB ng hearing kaugnay sa fare hike petition sa March 8.Asher Cadapan, Jr. | UNTV News

Tags: ,