Petisyon para ideklarang terorista ang CPP- CPA, isusumite na sa loob ng isang buwan – DOJ

by Radyo La Verdad | January 4, 2018 (Thursday) | 4080

Hinihintay na lang ng Department of Justice ang iba pang mga ebidensya bago maisampa sa korte ang petisyon na magdedeklara sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army o CPP-NPA bilang teroristang grupo alinsunod sa probisyon ng RA 9372 o ang Human Security Act.

Matatandaang inatasan ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang DOJ na maghain ng petisyon sa korte matapos ang proklamasyon ng Pangulong Duterte noong December 5, 2017 na isang terrorist group ang CPP-NPA.

Ayon kay Senior Assistant Prosecutor Peter Ong, matibay naman ang kanilang mga ebidensyang hawak sa ngayon. Nasa tala na nila ang mahigit sampung insidente ng pag-atake ng CPP-NPA sa ilalim ng Duterte administration.

Pinakabago dito ay ang ambush ng mga rebelde sa tropa ng militar habang isinasagawa ang relief operation sa Katubig, Northern Samar matapos manalasa ang bagyong Urduja.

Katulong ng prosecution ng DOJ ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng NBI, AFP at PNP sa pagbuo ng mga ulat para sa naturang petisyon.

Nilinaw naman ni Ong na hindi kasama sa idedeklarang teroristang grupo ang National Democratic Front of the Philippines o NDFP.

Hindi pa matukoy sa ngayon ng DOJ kung saang korte isasampa ang petisyon lalo na’t ang mga pag- atake ay nangyari sa iba’t-ibang panig ng bansa.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,