Petisyon ni Sen. Enrile na linawin ng Ombudsman ang detalye ng kanyang kasong plunder, pinagbigyan ng Korte Suprema

by Radyo La Verdad | August 11, 2015 (Tuesday) | 1119

SC
Sa botong 8-5, kinatigan ng Supreme Court ang petisyon ni Sen. Juan Ponce Enrile na bigyan siya ng partikular na mga detalye ng kanyang kasong plunder.

Kaugnay ito ng posisyon ng kampo ng Senador na malabo ang mga alegasyon kung paanong tumanggap siya ng kickbacks at nagkamal ng yaman kaugnay ng pdaf scam.

Kabilang sa mga bumoto pabor sa petisyon ni Enrile sina Associate Justices Presbitero Velasco Jr., Teresita Leonardo-de Castro, Arturo Brion, Diosdado Peralta, Luca Bersamin, Jose Perez, Jose Mendoza at Estela Perlas-Bernabe.

Hindi naman sumang-ayon sa desisyon Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, at AssociateJjustices Antonio Carpio, Mariano del Castillo, Martin Villarama at Marvic Leonen.

Hindi naman nakisali sa botohan si Justice Francis Jardelesa dahil nahawakan niya ang kaso noong siya pa ang Solicitor General.

Bunsod nito, inatasan ng Korte Suprema ang Ombudsman na ibigay ang hinihinging mga detalye at impormasyon ng kaso ng senador.

Ikinatuwa naman ng kampo ni Enrile ang naging desisyon ng korte.

Patunay umano ito na malabo at kulang-kulang sa detalye ang kasong isinampa laban sa Senador.

Dahil sa desisyon ng Korte Suprema, obligado umano ngayon ang Ombudsman na sabihin kung sino ang sinasabing nagbigay at tumanggap ng kickbacks mula sa pork barrel para kay Enrile.

Kailangan din umanong sabihin kung kailan at saan ito nangyari.

Ayon sa abugado ni Enrile, na si Atty Joseph Sagandoy kapag hindi naibigay ng Ombudsman ang nasabing mga detalye at impormasyon, dapat umanong idismiss ng Sandiganbayan ang kasong plunder laban sa Senador. ( Roderic Mendoza/ UNTV News)

Tags: