Petisyon ni Makati City Mayor Junjun Binay na mag-inhibit sa kanyang kaso ang ilang myembro ng Korte Suprema, hindi pinagbigyan

by Radyo La Verdad | June 16, 2015 (Tuesday) | 2559

supreme court
Pinag-iinhibit ni Makati City Mayor Junjun Binay sa pagdinig sa petisyon ng Ombudsman sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno, at Associate Justices Antonio Carpio at Martin Villarama Junior.

May kaugnayan ang petisyon sa ipinataw na suspensyon sa kanya ni Ombudsman Conchita Carpio Morales.

Katwiran ng alkalde, nagpakita ng bias si Chief Justice Sereno dahil sa mga pahayag nito sa pagdinig sa Oral Arguments sa petisyon nitong nakaraang Mayo kung saan ay napagalitan pa nito ang kanyang abogado.

Hindi rin umano nagdalawang isip ang Punong Mahistrado nang ipagtanggol nito si Ombudsman Morales tungkol sa finding ng probable cause laban sa kanya kaugnay ng imbestigasyon sa anomalya sa pagpapatayo ng Makati City Hall Parking Building.

Pinag-iinhibit din ni Binay si Justice Carpio dahil pinsang-buo nito si Ombudsman Conchita Carpio Morales.

Hiniling din ng alkalde na mag inhibit si Justice Villarama dahil sa nabanggit nito sa oral arguments na may nakausap itong abogado mula sa Ombudsman.

Ngunit matapos ang En Banc Session kanina, inanunsyo ng Korte Suprema na tumangging mag-inhibit sina Sereno, Carpio at Villarama.

Tags: , , ,