Petisyon ni De Lima sa Korte Suprema, palsipikado ayon sa Solicitor General

by Radyo La Verdad | March 16, 2017 (Thursday) | 1605


Palsipikado umano ang petisyon ni Senator Leila de Lima sa Korte Suprema kaya dapat itong mapawalang-bisa, ayon kay Solicitor General Jose Calida.

Sa manifestation na isinumite sa Supreme Court, pinuna ni SolGen Calida ang verification and certification against forum shopping page ng petisyon kung saan lumalabas na pinanumpaan ito ni de Lima sa harap ng isang Atty. Maria Cecille Tresvalles-Cabalo noong February 24 sa quezon city.

Ayon kay Calida, imposibleng magawa ito ni de Lima dahil sa kaparehong araw siya inaresto at ikinulong sa PNP Custodial Center, at dinala sa Muntinlupa RTC at saka ibinalik din sa kanyang piitan sa loob ng Camp Crame.

Wala rin aniya sa guest logbook ng PNP Custodial Center ang pangalan ni Atty. Tresvalles-Cabalo na ibig sabihin ay hindi ito nagtungo sa Camp Crame nung araw na yun.

Sinusubukang kunin ng UNTV ang panig ni de Lima ngunit wala pang sagot ang kanyang mga abogado.

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: , ,