Petisyon ni de Lima na ipawalang-bisa ang pag-aresto sa kanya, dinismiss ng Korte Suprema

by Radyo La Verdad | October 11, 2017 (Wednesday) | 8323

Mananatiling nakakulong si Senador Leila de Lima sa kasong illegal drug trading kaugnay ng umano’y pagkakasangkot niya sa bentahan ng droga sa New Bilibid Prison.

Sa botong 9-6, dinismiss ng Korte Suprema ang petisyon ni de Lima na ipawalang-bisa ang pag-aresto sa kanya at patigilin ang Muntinlupa Regional Trial Court sa paghawak sa kanyang mga kaso.

Sinulat ni Justice Presbitero Velasco Jr. ang desisyon na sinang-ayunan ng walong mga mahistrado kabilang ang apat appointee ni Pangulong Rodrigo Duterte na sina Justice Samuel Martires, Noel Tijam, Andres Reyes Jr. at Alexander Gesmundo.

Tutol naman sa desisyon sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Senior Associate Justice Antonio Carpio at apat na associate justices.

Paliwanag ng korte, hindi nagmalabis si Judge Juanita Guerrero nang iutos nito ang pag-aresto kay de Lima dahil may basehan naman na nakipagsabwatan ito sa pagbebenta ng iligal na droga.

Binigyang-diin pa ng SC na ang Regional Trial Court lamang ang may jurisdiction sa mga kasong may kinalaman sa iligal na droga at limitado ang jurisdiction ng Sandiganbayn sa mga kasong katiwalian. Ayon pa sa tagapagsalita ng SC, maaari pang umapela si de Lima.

Ayon kay Solicitor General Jose Calida, patunay ang desisyon na hindi lamang mahihirap ang puntirya ng kampanya kontra droga ng pamahalaan.

Ayon naman kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre, pinatutunayan lamang nito na tama ang kanilang posisyon na RTC ang dapat humawak sa kaso ni de Lima.

Ngayong nagdesisyon na ang Korte Suprema, matutuloy na ang arraignment at paglilitis sa senadora.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,