Petisyon ng Uber na bawiin ang suspensyon sa kanilang operasyon, hindi pinaboran ng LTFRB

by Radyo La Verdad | August 16, 2017 (Wednesday) | 1533

Itutuloy pa rin ng LTFRB ang gagawing panghuhuli sa mga driver at operator ng mga Transport Network Vehicle Service sa ilalim ng Uber na bibiyahe pa rin sa kabilang ng suspension order na ipinataw ng ahensya sa kumpanya.

Ito’y matapos na hindi paboran ng board ang inihaing mosyon ng Uber na humihiling na bawiin na ng ahensya ang ipinataw na isang buwang suspensyon sa kanilang accreditation at booking process ng mga pasahero.

Batay sa motion for reconsideration na inihain ng Uber, hindi umano nila lubusang naintindahan ang suspension order ng LTFRB noong July 26. Inakala umano nila na tanging ang pagbyahe lamang ng mga TNVS na walang CPC at Provisional Authority ang pinagbabawalan ng LTFRB at hindi kasama ang pag-accredit ng mga bagong driver.

Giit ng LTFRB kailangan nilang displinahin at patawan ng parusa ang Uber dahil sa paglabag ng mga ito. Hindi umano nila nais na pahirapan ang mga driver at mga pasahero ng mga TNVS.

Dumadaing naman ang ilang driver ng Uber sa ipinataw na suspensyon ng LTFRB. Sa isang statement sinabi naman ng Uber na dismayado ito sa naging desisyon ng LTFRB ngunit nangakong susunod sa kautusan.

Umaasa ang mga ito na agad maresolba ang isyu.

 

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,