Petisyon ng Ombudsman kaugnay ng suspension ni Makati city Mayor Junjun Binay, tatalakayin sa oral arguments sa Korte Suprema mamayang hapon

by Radyo La Verdad | April 14, 2015 (Tuesday) | 1072

house-in-baguio-city_roderic

Alas dos mamayang hapon sisimulan itong pagdinig ng Korte Suprema dito sa Baguio city sa oral arguments kaugnay ng petisyon ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na kumukwestyon sa TRO ng Court of Appeals laban sa suspensyon kay Makati city Mayor Junjun Binay.

Ilan sa mahahalagang isyu na paguusapan mamaya ay kung umabuso nga ba sa kanilang kapangyarihan ang Court of Appeals nang mag isyu ito ng TRO at pigilin ang suspension ng Ombudsman sa kabila na ito ay isang independent constitutional body.

Una nang sinabi ni Ombudsman Carpio Morales na sa ilalim ng section 14 ng Republic act 6770 o ang Ombudsman act ay hindi maaaring maantala ang kanilang imbestigasyon sa pamamagitan ng isang writ of injunction gaya ng TRO ng Court of Appeals.

Pinatawan ng Ombudsman ng preventive suspension si Mayor Binay kaugnay ng imbestigasyon nito sa umano’y anomalya sa pagpapatayo ng Makati city hall building 2.

Ayon sa Ombudsman magiging mapanganib na halimbawa ang TRO ng court of appeals dahil posibleng ganito rin ang gawin ng iba pang opisyal ng gobyerno upang mapigilan o maantala ang kanilang imbestigasyon.

Inaasahang dadalo sa oral arguments mamaya si Solicitor General Florin Hilbay na kakatawan sa Ombudsman at ang mga abugado ni mayor Binay.(Roderic Mendoza,UNTV Correspondent)