Walang ligal na basehan at ayon lamang sa kapritso ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ito ang argumento ng mga petitioner sa kanilang hiling sa Korte Suprema na ipawalang-bisa ang pagkalas ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).
Kahapon, sinimulan nang dinggin ng Korte Suprema ang hiling na ito nina Senador Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, Bam Aquino, Antonio Trillanes IV at Senadora Leila De Lima.
No show ang mga mambabatas sa oral arguments ngunit ipinaliwanag ng abogado ng mga ito na si Atty. Gilbert Andres na hindi ligal ang naging hakbang ng ehekutibo.
Aniya, ayon sa Saligang Batas ay may bisa lamang ang mga treaties at international agreements gaya ng Rome Statute kung may pagsang-ayon ng two-thirds ng mga senador.
Tinalakay din ang complementarity principle ng ICC na maaari lamang itong mag-imbestiga kung tumanggi at kung walang kakayahan ang mga korte sa bansa na litisin ang kaso.
Kwinestyon naman ni Justice Marvic Leonen ang mga petitioner kung hindi na nga ba gumagana ang mga korte sa bansa gayong nag-iisyu ng writ of amparo o legal remedy ang korte sa mga biktima ng umanjo’y extrajudicial killings sa bansa.
Matapos ang mahigit tatlong oras na pagtalakay, tinapos na ang pagdinig at muling itinakda sa ika-4 ng Setyembre.
Matatandaang nitong nakaraang Marso ay inanunsyo ng Malacañang na hihiwalay na ito sa ICC. Nag-ugat ito sa pagsasagawa ng preliminary examinations ni ICC Prosecutor Fathou Bensouda sa war on drugs ng pamahalaan na umano’y kumitil sa libu-libong Pilipino.
Ang ICC ang nag-iimbestiga ng mga tinatawag na international crimes gaya ng genocide, crimes against humanity at war crimes
( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )
Tags: Atty. Gilbert Andres, ICC, Pilipinas