Ngayong buwan ay sisimulan ng dinggin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang petisyon ng United Filipino Consumer and Commuters (UFCC) na ibalik sa walong piso ang minimum fare sa jeep.
Ito ay matapos sumasadsad ang presyo ng produktong petrolyo sa loob ng limang linggo.
Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra, malaking hamon para sa kanila na magdesisyon sa pasahe sa jeep na regulated ng ahensya na direktang naapektuhan naman ng isang deregulated na industriya gaya ng mga produktong petrolyo.
Ayon sa LTFRB, ginagawan na nila ng paraan upang mapabilis ang paglalabas ng resolusyon sa pagdadagdag at pagbabawas ng pasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Ngunit ayon sa ahensya, sa ngayon ay dapat pa ring ipatupad ng mga pampublikong bus at jeep ang inaprubahang dagdag pasahe hangga’t wala silang desisyon sa petisyon ibaba ito.
Subalit ang problema, marami sa mga jeepney driver at operator ang nagdadalawang-isip na kumuha ng kopya ng fare matrix na kinakailangan upang maipatupad ang fare hike.
Bawat isang taripa ay nagkakahalaga ng mahigit anim na raang piso na para sa karamihan ay masyadong mahal.
Ayon naman sa mga commuter group, dapat sana ay ginawa na lamang provisional ng LTFRB ang dagdag pasahe upang madali itong ma-adjust lalo na at malikot ang presyo ng petrolyo sa world market.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )
Tags: LTFRB, pasahe sa jeep, UFCC