Petisyon na humihiling ng 154 pesos dagdag sahod sa mga mangagawa, pormal ng inihain sa DOLE

by Radyo La Verdad | April 14, 2016 (Thursday) | 1690

JOAN_SEC.BALDOZ
Naisumite na ngayon araw sa Department of Labor and Employment Wage Board – National Capital Region ang petisyon ng Trade Union Congress of the Philippines na humihiling ng 154 pesos na dagdag sahod sa arawang kita o minimum wage ng mga manggagawa sa Metro Manila.

Sa kasalukuyan, 481 pesos ang minimum wage sa NCR na ayon sa TUCP ay nasa 364 pesos na lamang ang real value o purchasing power nito dahil sa inflation at pagtaas ng cost of living.

Ayon sa TUCP ibinatay nila ito sa pagtaya ng National Wage and Productivity Commission.

Ayon sa TUCP, kung tutuusin, hindi ito maituturing na umento sa sahod at sa halip ito ang nararapat at makatwirang dapat na matanggap ng mga pangkaraniwang mangagawa.

Ang halagang ito ay sapat lamang upang pangtawid sa pang araw-araw na pangangailangan ng isang mahirap na pamilya.

Noong Abril nang nakaraang taon ay 136 pesos ang hiniling ng mga mangagawa, subalit 15 pesos lamang ang inaprubahan ng wage board.

Apela ng grupo huwag na sanang bawasan pa ang kanilang hinihinging umento.

Kaugnay nito, inatasan na ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board na agad na pag-aralan ang petisyon, upang madesisyunan na sa lalong madaling panahon.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , ,