Petisyon na humihiling na ipatigil ang pagbili at paggamit ng Sinovac vaccines, dinismiss ng SC

by Erika Endraca | July 14, 2021 (Wednesday) | 3917

METRO MANILA – Unanimous ang desisyon ng mga mahistrado ng Korte Surprema na ipawalang bisa ang petisyon para sa Writ of Mandamus ni dating BOAC, Marinduqe Mayor Pedrito Nepomuceno.

Ang Mandamus ay kautusan mula sa mataas na korte para pilitin ang pamahalaan o ahensya ng pamahalaan na gawin ang kanyang trabaho.

Batay sa petisyon ni Nepomunceno laban kina Pangulong Rodrigo Duterte, Department Of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III at National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez, Jr.

Gusto nitong itigil ng pamahalaan ang pagbili ng Sinovac vaccines mula China dahil sa isyu ng efficacy nito habang hindi pa natapos ang clinical trials.

Dapat aniyang sundin ang rules ng Food and Drug Administration (FDA) sa pagkuha ng bakuna.

Sa resolusyon ng korte, nilinaw nito na agad na-dismiss ang petisyon dahil una, bilang pangulo ay immune o ligtas si President Duterte sa kaso habang siya ay nasa pwesto pa

Pangalawa, walang naipakitang ebidensya na may hindi ginawa sa kanilang tungkulin o nilabag sa batas ang mga respodent.

Sa halip may mga batas tulad ng Republic Act 11525 o Vaccination Program Act at Executive Order 121 na nagbibigay otoridad sa FDA na mag-isyu ng Emergency Use Authority (EUA) sa paggamit ng bakuna.

Ang mga batas na ito ay nagbibigay discretion o kalayaan sa pagpapasya sa pamahalaan para sa pagkuha o pagbili ng bakuna.

Mali din ang pagdirekta ng petisyoner sa supreme court lalo na at may factual issues o impormasyon na kailangan pang patunayan.

At ang pagkuwestiyon sa efficacy ng bakuna ay hindi saklaw ng supreme court dahil maaari lamang silang umaksyon kapag may kinalaman sa batas o legalidad nito.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: ,