Petisyon laban sa standardization ng mga plaka ng sasakyan, dinismiss ng Korte Suprema

by Radyo La Verdad | July 16, 2015 (Thursday) | 1555

PLATE
Moot and academic na o wala nang saysay ayon sa Korte Suprema ang petisyon laban sa proyekto ng lto para sa pagpapalit ng mga plaka ng sasakyan.

Ito ang dahilan kaya dinismiss ng second division ng Supreme Court ang petisyon ng isang taxpayer na si Reynaldo Jacomille upang patigilin ang proyekto na sinimulang ipatupad noong 2013.

Layon ng nasabing proyekto na gawing isa na lamang ang disenyo ng mga plaka ng sasakyan.

Nakatakda itong makumpleto sa susunod na taon at inaasahang lahat ng plaka ng mga sasakyan ay napalitan na ng bago.

Ngunit kahit dinismiss ang petisyon, sinabi ng Korte Suprema na may irregularidad sa proyektong ito ng lto.

February 2013 nang pasimulan ang bidding sa naturang proyekto na nagkakahalaga ng P3.8 billion.

Ngunit nang taong iyon, mahigit P187 million lamang ang pondong inilaan ng kongreso para dito.

Ibig sabihin, gagastos ng mahigit tatlong bilyong piso ang lto nang walang pagsang-ayon ng kongreso.

Ayon sa Korte Suprema, sapat ito upang mapawalang-bisa ang proyekto.

Ngunit nitong nakaraang taon, naglaan ang kongreso ng P4.8 billion pesos na pondo para sa kabuuan ng standardization program.

Ayon sa korte, ito ang nakagamot sa depekto sa proseso na dahilan kaya dinismiss ang petisyon laban dito.

Hindi naman nagkomento ang korte suprema kung dapat panagutin ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa irregularidad na ito,

Kabilang na sina Transportation and Communication Sec. Joseph Emilio Abaya at USec Jose Perpetuo Lotilla na parehong pumirma sa kontrata.

Ayon pa sa korte suprema, hindi sila ang tamang korte upang duminig sa isyung ito.

Tags: , ,