Peter Joemel Advincula alyas “Bikoy”, sumuko na sa PNP

by Radyo La Verdad | May 23, 2019 (Thursday) | 5879

METRO MANILA, Philippines – Walang katotohanan ang video serye “Ang Totoong Narcolist” na nagdadawit sa ilang taong malapit kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kalakalan ng iligal na droga sa bansa. Ito ang inamin ni Advincula sa harap ng media sa Kampo Crame matapos sumuko kahapon sa Northern Police District dahil sa kasong Estafa sa Baguio City.

Ayon kay Advincula, fabricated o gawa-gawa lamang ito ng kampo nina Sen. Antonio Trillanes alyas Stella at ilang kandidato ng Otso Diretso maliban kay dating DILG Sec. Mar Roxas.

Bahagi aniya ito ng Project Sodoma na binuo nila ng siyam na buwan para patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte sa pwesto at iupo si Vice President Leni Robredo.

Layon din ng Project Sodoma na bigyan ng tyansa ang Otso Diretso sa katatapos lamang na Midterm Elections.

Aniya, walang ring dragon tattoo na may alpha-numeric code si Senator-elect Bong Go sa likod nito.

At hindi rin totoo na sangkot sa iligal na droga ang ilang pulitiko sa region 5 at sa Misibis Bay ang kanilang opisina.

“Walang katotohanan, lahat lahat yun at yun ay pawang orchestrated lamang ng mga nasa kabilang party which is the Liberal Party, under the handling of Sen. Antonio Trillanes IV. Hindi lang nakausap, ilang beses kaming nagpupulong, nagpa plano upang isakatuparan ang Project Sodoma. Dahil kapag napabagsak si Presidente Duterte ang uupo ay si VP Leni Robledo and the Vice President will appoint from the Senate or House, a certain Congressman to be the Vice President, and Sonny will be the line to become a Vice President, yun ang pinaka plano ng totoong narcolist,” ani Peter Joemel Advincula alyas “Bikoy.”

Sinabi ni Advincula, kilala nya mismo si Sen. Antonio Trillanes IV dahil ipinakilala sya dito ng isang pari na si Fr. Albert Alejo.

Aniya, madalas silang mag-meeting sa Ateneo at sa De La Salle at 500 libong piso ang napagkasunduan nilang ibabayad sa kanya bukod pa sa ipu-pwesto sya sa gobyerno kapag nanalo ang mga kandidato ng Liberal Party.

“Hindi lang si Sen. Trillanes, yung chief security nya ang tawag namin ay Joenel, Jerome ang pakilala nya pero Jeonel, sa mga conversation namin ang code ni Sen. Trillanes sa grupo ay Stella. Nandyan din ang staff ni Sen. Leila de Lima as certain Atty. Pill, si Sen. Hontiveros ilang beses ding pumunta doon, as certain Yolly Villanueva Ong, Vicente Romano, Boom Enriquez at certain businessman Dan Songco, sila ang nasa likod ng produksyon ng “Ang Totoong Narcolist,” ayon kay Peter Joemel Advincula alyas “Bikoy”.

Hindi rin umano niya kilala si Rodel Jayme, ang website administrator na idinadawit sa pagpapakalat ng Bikoy videos.

“opo ex-convict ako galing ako ng new bilibid prison, nakulong ako sa Naga City District jail, galing ako sa Bureau of Corrections pero hindi pa naman ako ganon na level ng tao na napakasama kahit papaano po may konsensya pa rin ako, hindi ko po kayang panindigan yung scripted lang na kwento na ngayong talo na ang kandidato nila, nararamdaman ko na unti-unti na kong nilalaglag dahil wala na kong silbi sa kanila,” ayon kay Peter Joemel Advincula alyas “Bikoy.”

Dagdag ni Advincula, may banta na sa kanyang buhay at sa buhay ng kanyang pamilya kayat humihingi sya ng proteksyon mula sa PNP.

Ayon naman kay PNP Chief Gen. Oscar Albayalde na iba-validate nila ang sinasabi ni Advincula na banta sa kanyang buhay.

“After posting bail, he can go, he is a free man, bailable naman kasi ang kaso nya, if he will ask assistance from us of course as an ordinary citizen we are mandated to assist kahit sino man po sa ating mga kababayan na lalapit sa atin,” ayon kay PNP Chief General Oscar Albayalde.

Humingi ng paumanhin si Advincula sa Administrasyon lalo na sa anak ni Pangulong Duterte na si Kitty.

“Humihingi po ako ng paumanhin lalo na kay Kitty, bata na 14 years old at nadamay sa ganitong pangyayaring ito at kalokohan na ito na isa ako sa nagamit sa mga kalokohan na yun, humihingi ako sa kanya ng paumanhin, pasensya ka na sana balang araw magkita tayo, kung pahihintulutan ng pangulo at personal akong hihingi ng tawad sa kanya sa ikaluluwag ng dibdib ko.” Dagdag ni Peter Joemel Advincula alyas “Bikoy.”

Si Advincula ay isina-ilalim na rin sa booking procedure sa CIDG bago ibalik sa korte sa Baguio City para sa kanyang kasong Estafa.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: ,