Pekeng Social Media accounts ng POEA, nag-aalok ng hindi beripikadong job vacancies sa ibang bansa

by Erika Endraca | November 11, 2019 (Monday) | 2319

METRO MANILA – Naalarma ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa paglaganap ng mga pekeng accounts nito sa social media. Ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia, ginagamit ng mga pekeng account ang pangalan at logo ng POEA.

Naglalathala aniya ang mga ito ng job vacancies na hindi beripikado o aprobado ng ahensya at nag-aalok ang mga trabaho sa abroad gaya ng Australia, Canada, Germany, Japan, New Zealand At Estados Unidos.  Pinangalanan din ni olalia ang ilan sa mga naturang pekeng facebook account ng POEA na inilathala nito sa kanilang lehitimong website ng ahensya.

Binabalaan ng ahensya ang mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na iberipika muna ang validity ng mga inaalok na trabaho sa abroad sa pamamagitan ng social media account at website ng POEA o tumawag sa kanilang mga hotline numbers. Samantala, bilang paggunita sa veterans day sa Estados Unidos, sarado ang opisina ng U.S. embassy sa Roxas Boulevard sa Ermita, Maynila Ngayong araw November 11.

Sarado rin ang mga affiliated office nito sa iba’t ibang lugar sa bansa. Magbabalik ang regular na operasyon nito Bukas, November 12.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: