Peak ng COVID-19 cases sa Metro Manila, naabot na ayon sa DOH at Octa Research Group

by Radyo La Verdad | January 25, 2022 (Tuesday) | 4245

METRO MANILA – Bumababa na ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas nitong mga nakalipas na araw.

Noong Biyernes (January 21), nakapagtala ng 32,744 COVID-cases sa bansa, 30,552 cases naman noong Sabado (January22)  at mahigit 29,000 naman noong Linggo (January 23).

At kahapon (January 24), bumaba pa sa 24,938 ang naitalang kaso sa Pilipinas

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, bumababa na rin ang 7-day average growth rate ng COVID-19 cases sa Metro Manila.

Kaya naman masasabi na naabot na ang peak o ang pinakamataas na COVID-19 cases sa rehiyon at inaasahan na bababa na ito sa susunod pang mga araw.

Batay naman sa latest projection ng Octa Research Group,  bumaba na umano sa negative 50 ang growth rate at bumagal na sa 1.03 ang reproduction rate ng COVID-19 sa NCR kaya naman inaasahan na rin ang pagbaba ng daily new cases sa mga susunod na linggo.

Ayon kay Professor Guido David ng Octa Research Group lumalabas rin sa kanilang monitoring na naabot ang peak ng COVID-19 cases sa ncr noong January 10, kung saan pumalo sa higit 18,000 ang kaso sa rehiyon

Sa pagtaya ng Octa, posibleng bumaba na lamang sa halos 1,000 ang mga kaso sa NCR pagsapit ng Pebrero, na maaari  maging batayan ng gobyerno sa magiging desisyon kung luluwagan na muli ang alert level restrictions sa NCR.

Ngunit hindi pa masasabi sa ngayon kung papayag na ang Inter-Agency Task Force na ibaba ito sa ALERT LEVEL 2.

Bukod sa Metro Manila iniulat rin ng Octa Research, na nakakakita na rin sila ng pagbaba ng COVID-19 cases sa Cavite, Bulacan at Rizal.

Sa kabila nito,  mahigpit pa rin ang paalala ng mga eksperto na huwag maging kampante ang ating mga kababayan lalo’t may ilang probinsya pa rin ang may mataas na kaso kabilang na ang mga lugar na inilagay sa Alert Level 4.

(Aileen Cerrudo | UNTV News)

Tags: ,