PDRRMO ng Misamis Oriental, mahigpit na binabantayan ang pinsalang maidudulot ng bagyong Basyang

by Radyo La Verdad | February 13, 2018 (Tuesday) | 5049

Mahigpit na minomonitor ngayon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Misamis Oriental ang mga landslide and flood prone areas sa probinsya. Dahil ito sa pinsalang posibleng maidulot ng pananalasa nitong bagyong Basyang.

Alas kwatro palang ng hapon ay lumikas na ang mahigit anim na pung pamilya na mga residente ng barangay Macasandig sa Cagayan de Oro City.

Ayon kay Kagawad Amor Sanchez, karamihan sa mga residente ay boluntaryong lumikas patungo sa mga itinalagang evacuation center at ang iba naman ay sinusundo ng barangay officials.

Ayon naman kay Col. Mario Verner  Monsanto ng City Disaster Risk Reduction and Management Office ng Cagayan de Oro, isang magandang indikasyon ang boluntaryong paglikas ng mga residente.

Naka-antabay na ang lahat ng rescue teams ng iba’t-ibang ahensiya at mga equipment ng probinsya at Cagayan de Oro maging ang food at non food items para sa mga lumikas.

Ayon kay Mr. Allan Porcadilla, head ang CDRRMO Cagayan de Oro, naka-antabay na rin ang mahigit isang daang evacuation center sa buong syudad.

Wala namang byahe ang lahat ng sasakyan pandagat sa Cagayan de Oro Port na papuntang Manila, Cebu at Balingoan Port na byaheng Camiguin Island.

Binabantayan naman ngayon sa Cagayan de Oro City ang Cagayan at Iponan River, dahil ito ay may posibilidad na agad tumaas ang lebel ng tubig kapag tuloy-tuloy ang pagbuhos ng ulan.

Katulad na lamang noong Disyembre nang dumaan ung bagyong Vinta, mabilis na tumaas ung tubig sa ilog na naging sanhi ng malawakang pagbaha.

 

( Weng Fernandez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,