PDEA, nais ma-exempt sa Anti-Wiretapping Law

by Radyo La Verdad | June 10, 2016 (Friday) | 1564

pdea-facade
Ipinagmalaki ng Philippine Drug Enforcement Agency sa selebrasyon ng kanilang ika-labing apat na anibersaryo ang mga accomplishments ng ahensya sa mga nakaraang taon.

Sa pakikipagtulungan ng ahensya sa Philippine National Police, National Bureau of Investigation, Bureau of Customs, at iba pang law enforcement agencies, nakapagtala sila ng 24,462 na anti-drug operations.

19,406 na drug personalities na rin ang nahuli kabilang na ang mga itinuturing na high-value targets.

Ngunit sa pagpasok ng susunod na administrasyon, nais ng pdea higitan pa ang mga numerong ito.

Kaya naman, nananawagan si PDEA Director General Arturo Cacdac na ipasa na sa kongreso ang pag-eexempt sa kanila sa maaaring maparusahan sa Republic Act 4200 o ang Anti-Wiretapping Act.

Sa ngayon, piling mga kaso lang ang exempted sa batas na ito, kabilang ang mga may kaugnayan sa terorismo.

Kung papayagan ang wiretapping sa kanilang mga operasyon, maaari na magamit ang mga audio recording bilang ebidensya laban sa mga drug syndicate.

Makatutulong din aniya kung palalakasin ang barangay drug clearing operation.

Inimungkahi na nila sa uupong susunod na PDEA director general na si Police Deputy Director Isidro De La Peña na magdagdag ng pondo para sa Anti-Drug Abuse Council.

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: ,