PDEA: Huwag iboto ang mga kandidato na sangkot sa iligal na droga

by Jeck Deocampo | February 14, 2019 (Thursday) | 16183
PDEA Director Aaron Aquino
File photo: PDEA website

METRO MANILA, Philippines – Naniniwala si Philippine Drug Enforcement Agency Director Aaron Aquino na kilala ng mga botante sa kani-kanilang mga lugar ang mga narcopolitician o mga pulitiko na sangkot at protektor ng iligal na droga sa bansa

Bunsod nito hinihikayat niya ang mga botante sa darating na halalan na huwag ihalal ang mga ito

“Mamili sila nang maayos dahil sila rin ang magiging biktima, mga anak nila. Sila rin ang magdudusa na hindi mabibigyan ng tamang ayos ‘yung kanilang mga barangay at komunidad kung magkakaroon sila ng isang politician na involved sa illegal drugs,” aniya

Ginawa ni Director Aquino ang pahayag nang magtungo ito sa Calapan City, Oriental Mindoro upang pasinayaan ang bagong gusali ng PDEA sa Mimaropa Region.

Ayon kay Aquino, patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga narcopolitician sa bansa na binubuo ng mga opisyal ng barangay at mga alkalde.

Sa Mimaropa Region, tanging ang probinsiya lamang ng Marinduque ang wala aniyang kabilang sa narcolist.

“Ang narcolist ngayon na nasa amin ay over six thousand ang total. It started about three thousand. It doubled pagdating ng 2018. In short, dumadami ng dumadami.”

Apela naman ng PDEA sa publiko sa darating na halalan, maging matalino sa iluluklok sa pwesto

Hirit ni Aquino, “Dapat maging vigilant tayo. Alam na alam naman natin siguro kung sino ang mga politicians na involved sa illegal drugs. So, bakit pa natin sila ihahalal na mayor o kung anong posisyon pa sa ating bayan?”

(Sherwin Culobong | UNTV News)

Tags: , , , ,